‘Kerwak’
KAMAKALAWA ko lang muling natunghayan ang pangalang Jack Kerouac, pangalang wari’y tahimik na nakatambay sa pinakamalayong bus stop sa gunita kong tila mahabang highway pabalik sa musmos na daigdig ng teks at kending biks, tumbampreso’t binatog, komiks at galyetas, radyong hi-fi at sunday times, at mangilan-ngilang pocketbooks at iba pang babasahing nagkalat sa mesa ng nakatatandang kapatid, mga babasahing ang kaisa-isang tumingkad sa musmusin kong mga matang kahuhubog pa lang sa abakada’t Pepe en Pilar ay ang librong “The Subterraneans”, hindi lang dahil sa di-magagap na mga salitang inggles nito, hindi rin dahil sa kinagulatang panulat na tila ba walang katapusang pagkahaba-habang pangungusap na pinagkasya sa kayraming pahina o sa buong libro yata, gayon nga’y di matunton ang pinanggigigilang tuldok at panibagong talata (tulad marahil ng sulating ito kung sulatin nga itong matatawag), kungdi’y dahil sa hubad na larawan ng isang babaeng siyang disenyong pabalat ng naturang aklat, larawang lagi kong sinisipat sa malisyosong pangarap, sa musmos na utog at papausbong na libog, hubad na imahe na ikinambal ko na lamang sa ngalan ng may-akdang kung bigkasin ko’y ‘Kerwak’, kung sino man siya – ah, malay ko bang sa dilang Amerikano pala’y ‘Ke-ru-wak’ ang wastong pagbigkas, malay ko nga ba sa panahong iyon nang ang “orange” ay oreng ang tawag ng lolang nagisnan kong di matiyak ang sariling kaarawan, nang ang “call to finish” ay kulto pinis sa larong dyolens, nang ang ‘wan min dawn’ ang hiyaw ng mga kalaro sa baseball pag naa-out ang isa, ‘tu min dawn’ pag dalawa na, at 'kulto na' (sa salitang dyolens) pag tri min dawn na -- at malay ko rin bang si Kerouac pala ang pinagpipitaganang pampanitikang tinig ng Beat Generation, kung ano mang counterculture iyon, patriarko kumbaga ng angkan ng mga Beatniks na ang isang buhay na pigura ng mga nilalalang na ito noo'y minsan ko lang namalas sa misa-de-gallo pa man din sa Parokya Imakulada, naglalakad na pigurang sa gitna ng pangungumunyon ay siyang pinagtitinginan ng lahat laluna ng mga de-belong deboto ng misa-de-gallo sa parokyang iyong malapit sa plaza -- paalon-alon ang sinuklay nyang buhok, halatang sadyang di nag-ahit, plantsado ang bulaklaking polong long-sleeves, sinlaki ng platito ang borloloy na palawit ng mala-kadenang kwintas na sabay umindayog sa ritmo ng marahan niyang paglakad, habang sa namamaskong isip ko’y sikat ako dahil may nakita akong beatnik pero walang kamuwang-muwang sa nakaambang engkwentro sa ilampu pang kauri ng mga ito kahima’t pasulyap lang sa mga pahina ng “The Subterraneans” ng kung sinong Jack Kerouac na siya palang sagisag ng panitikang ala-bebop, maestro ng “spontaneous prose” na siya rin ang nagpauso -- wala pa rin muwang nang makisalamuha sa marami pang beatniks na nagkatawang-‘flower people’ at hippie, na konting kalaunan pa’y nag-Jeproks na’t naglaho sa mga eskinita ng lungsod at pilapil sa nayon, silang mga sinaunang transpormers, kumbaga, na nakatalisod ng marijuana’t madrax, orange micro at yellow sunshine, ng corex at rugby, habang hintatakutang inilagan ang islomosyong pag-ambon ng nag-iisang full moon; silang mga inanunsyo sa pameryendang mind-expansion ni Aldous Huxley, mga benditadong inaanak sa pabinyag ng sino ba iyong nagpahimakas ng “turn on, tune in, drop out” – ay! malay ko bang may bebop pala noon pero sa kundiman naman ako naging totoy, nagkamalay sa rock and roll, natulian sa hardrock, nagdurog sa folk, naglango sa jazz at nadurog sa folk, nahimasmasan sa heavy metal, at ngayo’y naghihilik sa hip-hop at rap, kung ano mang bangungot ang mga ito -- malay ko bang itinadhanang mai-blog ko ang paglalakbay na itong pabalik sa musmos na alaala ng hubad na larawan ng isang babaeng siyang disenyong pabalat ng isang aklat na sa gunita’y ikinambal ko lamang sa ngalan ng may-akdang Jack Kerouac, pangalang muli ko lang natunghayan kamakalawa, sadyang kamakalawa lang
.
.