'Still Jueteng'
.
At magwe-waiting nang magwe-jueteng nang magwe-jueteng....
TILA ba ang panahunang pagtatalaga ng panibagong gobyerno ay maihahalintulad sa pagtaya sa jueteng. Sa pagkakataon ngang ito'y mas malakas ang kutob mong tatama ka na -- hindi sapat na mamumuro ka lang.
Sa hinaba-haba ng kasaysayan ng jueteng at sa maramihang ulit na di ka pumapalyang mailista sa kartilya ang napupusuan mong taya... aba'y kailangan mo na ngang tumama! Mananalangin ka't hihintayin ang oras ng bola. Maghihintay. Magwe-wait. Magwe-waiting.
Hindi pa yata ako nasasanay magsalawal noong araw ay inuutusan na ako ng Nanay ko na manmanan at antabayanan si Goryong Intsik, ang noo'y sikat na kubrador ng jueteng sa baryo -- tataya si Nanay, syempre.
Bihira lang naman ang mga diyes sentimos na pinawalan ni Nanay sa pag-asang ang alaga niyang kumbinasyon ng numero ay maghahatid ng dagdag na gatang sa nasasaid nang salop ng kabuhayan. Ewan, kung tatama man siya'y magkano... at kung tumama nga siya sa mga panahong iyon, maski minsan lang, ewan din.
Pagsapit na ng alam niyang oras ng pambobola, este, pagbola, ipapaalala ulit ni Nanay na manmanan at hintayin ko si Goryong Intsik, ang sikat na tagapamalita ng kung anong numero ang lumabas sa puring at bago; kung may patama ba siya o wala, kung naisumite ba nya ang kubransa kasama ang iyong taya; kung naholdap ba siya, kung na-raid ba ang bolahan; kung tataya ka ba ulit at ililista na nya sa bagong kartilya ng panibagong iskedyul ng bola-bola ng
jueteng.
Saan nga ba nagmula ang laro at salitang ito? May kapiranggot na artikulo sa Wikipedia na nagtatangkang ipaliwanag ang etimolohiya ng jueteng, may babala nga lang na hindi suportado ng anumang pinagkunan ng datos (reference) ang mga nakasaad na materyales.
Malaon na ngang natiyak na wala sa alinmang diksyunaryong Español matatagpuan ang "jueteng" at kahulugan nitong tumbas sa pagkakaunawa ng Pilipino sa naturang salita. Dekada nang pinag-uusapan ang ugat ng termino at maging ang pinagmulan ng laro-ng-pagbabakasakaling ito, pero hanggang ngayon, walang malinaw na kung ano ang tumama, ang lumabas, ang nag-jackpot -- sa puring o bago -- na saktong kasagutan. Para bang ang lahat ng naibigay na paliwanag ay pawang mga hinuha lang. Para bang tulad ng alagang numero ng Nanay ko, ay, patsamba lang.
photo grabbed from yahoo images |
Parang patsamba kong ito:
Hindi ba't loterya ang tawag dito sa panahon ng mananakop na Kastila at Prayleng Katoliko? At ang loteryang ito'y nagpatuloy at kinunsinti ng mga kolonyalistang Amerikano hanggang may ilang puti mismo ang nagpalaro, habang ang mananayang indio na sabik mabatid kung ano na ang lumabas sa loterya'y sasagutin ng sundalong Kano sa wikang Inggles: "still waiting."
Ayun! Waiting. Nabastardong "waiting" ang salitang jueteng.
Ngayon kumbaga, eh, hindi ang kaluluwa ni Goryong Intsik ang nagbalita sa atin na hindi tumama ang mananayang Pilipino sa nakaraang rehimen -- ke si GMA nga ba ang tunay na lumabas o hindi sa paripang eleksyon nung 2004. Umasa tayong mamuro man lang kay GMA, pero....
Ay. Am. Sori.
Gayunma'y tuloy lang ang pag-usad ng kasaysayan, at ang ritwal na pagsaling-kamay ng bagong gobyerno (PNoy na ngayon) ay, tulad ng dati, mistulang pagtaya sa loterya. Kung nakataya ka, nagbabaka-sakali kang sa pagkakataong ito'y tatama ka na. Singkad na magtatatlong buwan nang walang pugto kang nananalangin, naiinip, nasasabik sa iyong tama. Ang tagaaaal nga naman at parang islomosyon ang hakbang-hakbang na proseso sa paghahanda pa lang sa pagbola. Nakamanman ka. Maghihintay. Magwe-waiting. Magwe-jueteng.
Gayunma'y tuloy lang ang pag-usad ng kasaysayan, at ang ritwal na pagsaling-kamay ng bagong gobyerno (PNoy na ngayon) ay, tulad ng dati, mistulang pagtaya sa loterya. Kung nakataya ka, nagbabaka-sakali kang sa pagkakataong ito'y tatama ka na. Singkad na magtatatlong buwan nang walang pugto kang nananalangin, naiinip, nasasabik sa iyong tama. Ang tagaaaal nga naman at parang islomosyon ang hakbang-hakbang na proseso sa paghahanda pa lang sa pagbola. Nakamanman ka. Maghihintay. Magwe-waiting. Magwe-jueteng.
At magwe-waiting nang magwe-jueteng nang magwe-jueteng....
.
<< Home