Lost Characters, Wandering Bytes

"...but i was so much older then, i'm younger than that now." -- Bob Dylan, "My Back Pages"

My Photo
Name:
Location: Philippines

Tuesday, September 27, 2005

Pinalancang Tabing

Corny the caption above. Cornier still is the collection (anthology, if I may) below, that forms part of the author's official entry to the 1999 Palanca (tagalog poetry category). Thus, the corny blog title, roughly translated, would read: "Palanca Screen." Most pieces in this tagalog compilation (as well as in the english collection) first saw print on cigarette foils and undelivered leaflets in the '80's -- I was freeverse-ing then, at no cost, so to speak. "Mga Tulang Tulala", re-awakened just in time to be inserted in this blog.
>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>:::::::::<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<<
.
Pagmumuni-muning Marlboro Green
.

mainam na rin yaong nalusaw ka’t naging mahabang guhit,
marahang pumailanlang at dumuyan sa uyayi ng manipis
na hangin,
.
tahimik na inaapuhap ang panibagong hugis, pupusyaw
sa magkabilang dulo at sa gitna’y mapupugto:
manghang
.
ihahatid ng tingin ang indayog ng paglutang palayo
sa aking bibig, sakay sa malumanay na hibla ng aking
hininga’y
.
tutugisin mo ang kawalan: pagkat may sulok kang sisilungan;
di na papansinin ang mga inulilang pirasong mag-uunahan
sa sariling paglaho,
.
magdidiwang ka’t yayakapin ang tinagpong puwang,
hahalik sa lamig, uulayaw sa dilim, sasayaw sa ligaya ng
panibagong hangin,
.
magbabagong hugis at hihimlay sa hinahon ng sandali.
mainam na rin yaong nalusaw ka’t naging maikling guhit,
sumiping
.
sa kapwa mo puting hugis at itirik sa hamog ang kamatayan
mong sa kalauna’y maghahatid ng ginaw sa mga gabi kong
tahimik.
.
<<<<<<<<<<>>>>>>>>>>>>>
.
Sunshine Park, Baguio
.
Kinumutan ka ng lunti at sa ulap ikinubli. Hiyas kang ang ningning
sa magdamag ay umaapaw sa tanghali, at sa pusod mo’y pinagtagpo
ang mga nuno ng lamig at mga sanggol ng hangin -- liwasang binigkas
ng sanlaksang pawis ng sinaunang gabi.
.
Tahimik mong inampon ang mga ibong isinumpit ng langit, silang
naghahatid ng awit sa mga dahong tumitigib sa pawirin. Sa himbing
mong mga sanga lumalaya ang mga hapóng kaluluwang sakmal
ng tag-araw, habang ang amiha’y may hatid na ligayang himig
sa mga mangingibig. Damuhan mo’y palaruan ng mga ligaw
na taludtod ng mga umuusbong na tula, bawat kilos ng mga daho’y
talinghagang inukit sa palad ng gunita.
.
Lansangan mo’y duyan ng mga nagpipistang mga talampakan,
kahima’t may mga sulok ding kublihan ng mga malignong iglapang
susungaw sa payapang pagninilay. Hayaang magmuni ako sa hiwaga
mo’t bulong, habang marahang nililisan ng orasyon ang mga bato’t
mga pino -- sa ilang sandali na lamang ay lulukuban ng hamog
ang sabik kong pagmamahal: Sa pagitan ng mga bulaklak,
mag-aanyaya ang labi ng aking mutya.


<<<<<<<<<<<<<<<<<>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>

.
Lukot na Katha
.
Tinagpo kita nang ang palubog na araw ay bihis ng iyong mga daliri.
.
Anaki’y mapagpaumanhing ngiti ang pukol mong pagbati. Sa simula’y
pumpon ka lamang ng mga titik, naging marangyang pangungusap
na hitik sa mga salitang hinugot sa malayong pinagmulan-- sabi ko
nga’y mumunting ilaw lamang tayo sa parisukat na salamin, alibatang
iniluwa ng mga puting tiklado ng mahika ng panahon –gayon nga’y
anino kang kapiling sa lungkot ng aking silid. Ilang dapithapon na nga
ba ang matyagang humimas sa mga inulit na mukha ng buwan: kahit
na may musikang balabal ang tahimik na mga gabi’y nanunuot ang lamig
sa kambal nating pisngi, kinasasabikang paulit-ulit ang mga katagang
bumubulwak sa parisukat na salamin, at amining kapwa tayo ligaw na
kaluluwang naghahagilap ng kwentong nilipasan ng magdamag. Tinig
nating sa himpapawid pinagyakap ng alon; diwa nating pinagniig ng
salamin ng ligaya't daing ng bagong panahon, sangkap ng makasariling
awitin. Huwag na nating iwasang mangusap ang nakaraan pagkat ang
gunita’y pilas na larawan ng lipas na kalungkutan -- ang magdamag ay
ating kublihan sa banta ng nagdudumaling liwayway. Tinagpo kitang
may pangako ng bagong karugtong ang winakasang mahabang simula:
.
Pawiin mo ng tula ang nangingilid kong kutya.
.
<<<<<<<<<<<<>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>
.
Ugnayan
.
Sulyap mo’y naghatid ng
katiting na kilabot sa katauhan
kong kumakalam para sa ating nakaraan:
kapeng mainit ang aking kailangan.
Hindi ikaw ang inaasahan
.
sa sandaling itong ang alaala’y
nangangatal sa gunitang
hintatakutan kang kumakaway
nang ako’y lumisan. Ayaw
na ayaw nating magkawalay
.
ngunit ang mga tulad nating sumumpa
sa paroo’t parito ng kinahumalingang
sinta ay babalik sa tagpuang adhika
ng wakas at simula. Bakit nga
sana’y iwasan na nating gunitain,
.
saan at kailan ang kakilakilabot
na unang pagtatagpo.
<<<<<<<<<<<<<<<>>>>>>>>>>>>
.
Edsa: Pebrero
.
Sumasaludo ang Sabado
sa maaliwalas na tanghali
ng pagsinta at pagsigla
ng lahat-lahat sa daigdig ng lahat.
Sa tahimik na harana ng hangin,
marahang yumuyukod
ang lunsod sa bisig ng takipsilim,
at ilang sandali na lamang sa kaylanman
isusugal ng aking dalamhati ang mga awit at tulang
inilaan para sa mga haring namumugad sa langit
ng aking himagsik.
.
Kaming mga bilanggo sa sariling salamin
Kaming mga tulog sa sariling panaginip
Mistulang mga duguang aninong
Gapos ang bait sa kawanggawang
Namumutla sa pait: Komedya itong
Sa kasaysaya’y inukit ng mukmok at hapis.
Palipas na ang maghapon nang kami’y
lumutang sa singaw ng di magkamayaw
na mga talampakang nagpipista
sa kahabaan ng lumang kalsada.
Himagsikan itong hinuhubog
sa malamig, sa-ma-la-mig,
gulaman at sagóng pamugto
ng unsyami.
.
Lamang ay papatapos na ang palabas nang kami’y sumbatan
ng mga sangganong hinatid ng serbesang handa ng bagong pista:
Pilipino ba kayo? Laban tayo!
.
Ngiti ko’y idinighay ang panis na tama ng itinumbang
tanduay sa gabing nagdaan:
Diyos ko, dyosko…
lasingin muli ako’t ibulong sa akin ang mga hugis ng mga kaibigang
pinaslang sa mahabang paglalakbay: buntis na inang ginahasa,
naghihilik na manggagawang itinirik ng isang bala,
kolehiyalang sa eskinita’y nawala.
Diyos ko, dyosko
tagayan ako’t bigkasin sa akin ang litanya ng mga pasakit:
makinilya bang sa iyo’y inihagis? sipa sampal yantok bang pumunit
sa iyong bait? baril bang ikinasa sa iyong bibig?
.
Ah... kayhaba pa ng bangketang
aming gagaygayin sa kalsadang
may dulo nga kaya. Babalikan
pa ba ang pagawaang pinaghulmahan?
liwasang binihisan ng aming sigaw?
loobang inalingawngawan
ng kalibre ng kamatayan?
upang sa hinuha man lang ay magagap
ang kasagutan sa rebolusyon
ng tandang pananong:
hopya mani popcorn? hopya mani popcorn?
.<<<<<<<<<<<<<<<>>>>>>>>>>>>
.
Hiwalay


Ilalantad ngayon sa kulimlim ng umaga ang pinagkaipit-ipit na misteryo
sa tuwa: ngayong nagpipista ang mga dikitsalupa sa katumpakan ng
pagkamali-maling pasya. Ngayong tatalikdan ni San Himagsik ang ngiti
ng nagngangalit na masa. Ngayon na.


Halina’t tulain ang gusot ng dibdib at kantahin ang lupi ng isip -- kaya
nating tugtugin ang martsa ng mga poon at basagan ng mga garapon.
Ikukumpas ng walis tinting ang opus ng kapistahan ng patron
ng mga uhuging puso at iyaking damdamin. Bibigkasin ng mga kariton
ang obra ng makata ng taon ng hilaw na santol. Ididikit sa puwit
ng nag-iisang kandidata ang yupi-yuping takip ng hinimod na delata,
at sa perya ng mga bakla, makipagsapalaran sa karera ng mga batya,
mag-usyoso sa parada ng mga labada alang-alang sa mahal na patrong
dakilang halimbawa ng tunggalian ng mga wala --
maningning na inspirasyon ng  nahumaling sa wala nga.


Halina sa kulimlim ng perya sa umaga; ihanda ang rosaryo
at nobena para sa bagong monumento’t baclarang
pinagkalatan ng punit na maskara't nakalbong peluka.